September 4, 2009

On the Lighter Side

For sure nabasa nyo na to, pero sarap basahin lalo at nakaka-relate.

Heto ang kapayapaan na alam natin, noong wala pang kaunlaran.
Si nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa paaralan,
Walang mga bakod at gate ang magkakapit-bahay, kung meron, san francisco o gumamela lang.
Diyes sentimos lang ang baon; singko sa umaga, singko sa hapon;
Merong free ang mga patpat ng ice drop, buko man o munggo.
Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay Maestro.

Di binibili ang tubig, puwedeng maki-inom sa di mo kakilala.
Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa tumana;
Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal's office o kaya malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams.
Simple lang ang pangarap: makatapos, makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak.
Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo kakilala; wala namang lock ang mga jeep na Willy's noon.

Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili: trak-trakan (gawa sa rosebowl ang katawan at darigold na maliit ang mga gulong, "sketeng" (scooter) na bearing na maingay ang mga gulong at de-sinkong pako para sa preno.
Patining na pinitpit na tansan lang na may 2 butas sa gitna para suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan)
Sumpak, pilatok, boca-boca, borador, atbp.
Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata: kasi laro nga iyon.

Maraming usong laro at maraming kasali: laste, gagamba, turumpo, tatsing ng lata, pera namin ay kaha ng Philip Morris, Malboro, Champion (kahon-kahon yon!)
May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli ng tutubi, nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging dahil sa kulugo;
Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas - suot mo pa rin;
Namumugalgal ang pundiyo ng karsonsilyo mo kasi nakasalampak ka sa lupa.

Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology,
Di ba minsan nangarap ka na rin.
Mas masaya noong araw!
Sana pwedeng maibalik...

Takot tayo ngayon sa buhay.
Kasi maraming napapatay, nakikidnap, maraming addict at masasamang loob.
Noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola;
Pero ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kaya't ayaw nila tayong mapahamak o mapariwara.
Na una silang nasasaktan kapag pinapalo nila tayo.

Balik tayo sa nakaraan kahit saglit.
Bago magkaroon ng internet, computer, at cellphone;
Noong wala pang mga drugs at malls.
Bago pa nauso ang counter strike at mga game boys.

Tayo noon...
Doon.

Tinutukoy ko ang harang taga o tumbang preso kapag maliwanag ang buwan;
Sikyo, baril-barilan, bending, ungkot-manok, luksong tinik at luksong baka.
Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ka ng nakakatakot sa "Mga Aninong Gumagalaw".
Unahan tayong sumagot sa multiplication table na kabisado natin, kasi wala namang calculator.
Pag-akyat natin sa mga puno;
Pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama;
Pagtikwas pagtitimba sa poso; pingga ang pang-igib ng lalake at may dikin naman ang ulo ng babae.

Inaasbaran ng mga suberbiyo;
Nginig na tayo pag lumabas na ang yantok o buntot-page.
Nai-sako ka rin ba?
O kaya naglagay ka ba ng karton sa pwet para hindi masakit ang tsinelas o sinturon?
Pamimili ng bato sa bigas; tinda-tindahan na puro dahon naman;
Bahay-bahayan na puro kahon.
Naglako ka ba ng ice-candy o pandesal noong araw?

Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga; pagtawa hanggang sumakit ang tiyan;
Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong? O kaya ang lukaok, susuwi at espada?
Susmaryosep ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng bata;
Estigo santo kapag nagmamano.
Mapagod sa kakalaro, minsan mapalo; matakot sa "berdugo" at sa "kapre";
Tuwang-tuwa kami pag tinalo ang tinale ni itay kasi may tinola!

Yung crush mo?
Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay-alembong, taeng-kabayo o biscocho?
Pwede ring ang sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing) o kaya nougat o karamel;
Kung gusto mo naman - pakumbo o kaya kariba, mas masaya kung inuyat.
Puriko ang mantika, at mauling na ang mukha at ubos na ang hininga mo sa ihip kasi mahirap magpa-rikit ng apoy.

Madami pa...

Masarap ang kamatis na piniga sa kamay at lumabas sa pagitan ng daliri para sa sawsawan;
Ang palutong pag isawsaw sa sukang may siling labuyo; ang duhat kapag inalog sa asin.
Ang isa-sang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin.
Halo-halo: yelo, asukal at gatas lang ang sahog.
Sakang ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka;
O naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan.
Lipstick mo ay papel de hapon;
Labaha ang gamit para sa white-side-wall na gupit.
Naglululon ka ng banig pagkagising; o matigas na almirol ang mga punda at kumot?
Madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka nagpapahid ng sipon, di ba?
Pwede rin sa laylayan.
May mga program kapag Lunes sa paaralan;
May pakiling kang dala kung Biyernes kasi mag-i-isis ka ng desk.

Di ba masaya?
Naalala mo pa ba?
Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na yon...
Masaya noon at masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala iyon.

Di ba noon...

Ang mga desisyon ay ginagawa sa awit na "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?"
Pag ayaw ang resulta di ulitin: "sino ba sa dalawang ito? Ito o ito?"...
Awit muna: Penpen de Serapen, de kutsilyo, de almasen, haw haw de carabao batuten...
Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi ang pinaka-mayaman;
Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti.
Nauubos ang oras natin sa pagku-kwentuhan, may oras tayo sa isa't-isa;
Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka; kapag buro ka sa pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen.
Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero sila ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo.
Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo; meron tayong skyflakes at royal sa tabi at pahihigupin ng mainit na royco.

Kung naaalaala mo ito... nabuhay ka na sa kapayapaan!
Pustahan tayo nakangiti ka pa rin!
Kung naka-relate ka sa lahat ng nabanggit sa itaas, ibig sabihin lang niyan ay...
May katandaan ka na! he he he...
Pero kung hindi ka maka-relate, ikuwento mo na lang sa akala mo ay kapanahunan nya ito para maalala din niya at mangiti rin siya.

Cheers.
Live life.
Run!

11 comments:

  1. Umaga ngayon dito sa Markham Vener at ang post mo ang una kong nabasa. Nakakatuwa kasi lahat halos ng sinabi mo ay totoo at naranasan ko. Nagtinda pa nga kami ng Kuya ko ng icedrop. Napakasarap magbasa ng Tagalog lalo na kung kasing galing mo ang nagsulat. Yung huling post ni Rico ay sa Tagalog rin at napakaganda ring basahin. Sana mas madalas at mas marami sa atin ang magsusulat sa Tagalog.

    Kung maiibabalik lang sana ang nakaraan, makikita ng mga anak natin at mga kabataan ngayon kung gaano kalinis ang ating kalikasan, orihinal ang ating mga laro, na hindi kailangang gumastos sa mall para maging masaya, habulan lang o akyat sa puno ng aratiles puede na, na ang pagmamahal at pagmamalasakit sa magulang, anak, kapatid, kamaganak, kaibigan, kapitbahay ay bahagi ng bawat isang pagkatao at hindi na kailangang ipaalala o ituro. Hay Vener, napakasarap lang balikan ang nakaraan ano.

    ReplyDelete
  2. Hi Vener,

    enjoy ako sa pagbasa nito... nagtataka lang ako... magka edad ba tayo?

    ReplyDelete
  3. Maraming salamat Bong. Hangad ko ang iyong tagumpay sa nalalapit mong 42km marathon. Good luck on the remainder of your training, keep safe. Whoa! hirap mag tagalog, eh.

    ReplyDelete
  4. Maraming salamat Anna, hayaan mo na yung edad, nag-enjoy naman tayo pare-pareho sa pagsusulat, pagbabasa at sa ating pagtakbo. Hanggang sa muli nating pagkikita.

    ReplyDelete
  5. Hi Vener!

    Naka-relate ako sa lahat!

    Naalala ko tuloy ang isang kasabihan: "Oh what a complicated web we weave..." Bakit nga ba natin pina-hihirapan ang ating buhay?

    Teka, bakit biglang tamang senti? Para maiba lang? ;-)

    Ray Abenojar

    ReplyDelete
  6. I'm sure hindi ka pa pinapanganak ng nauso ang mga ito, Vener! I wonder how you can relate to these things . . .

    Nakakamiss tuloy ang mga araw na nagdaan. Will write about this also in my blog. My personal experiences during that era are too many to mention in this comment.

    ReplyDelete
  7. Hi Ray, pinakamaganda na talaga ang payak na buhay. Sana ganito tayo muli o kung hindi man sana sa mga anak naman natin. Hindi naman upang maging senti, nahukay ko lang ulit sa baul, hahaha. Salamat, mabuhay ka.

    ReplyDelete
  8. Hi Nora, bata na ako nito, naranasan ko na ang mga ito.
    Di ba masaya?
    Naalala mo pa ba?
    Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na yon...
    Masaya noon at masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala iyon.

    'Pagaling ka ha, kami'y karamay mo sa iyong mga suliranin. Hanggang sa muli nating pagdada-upang palad.

    ReplyDelete
  9. Hindi naman ako ganun katandaan - pero naranasan ko halos ng nabanggit mo dito :) Nakakatuwa. Nakakaaliw. Hanggang ngayon nakangiti pa ako... Sana lang maranasan ng anak ko ng kaunti ang kabataan ko nuon... Isang araw magpapa-tintero kami or tumbang preso sa labas... At siyempre, habulan! :D

    ReplyDelete
  10. Vener! Question! Saan mo nabili yung Powerbar gel mo? Thanks!

    ReplyDelete
  11. Hi Gigi, kung naaalaala mo ito... nabuhay ka na sa kapayapaan! Pustahan tayo nakangiti ka pa rin! Kung naka-relate ka sa lahat ng nabanggit sa itaas, ibig sabihin lang niyan ay... masarap alalahanin ang nakaraan.

    Sa bike king, fort bonifacio lang ako nakakabili ng powergel. Meron din siguro sa ibang bike shops. See you.

    ReplyDelete